Isinusulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan Provincial School Board (PSB), ang proyektong “Gulayan sa Paaralan,” na naglalayong makatulong na mabawasan ang malnutrisyon ng pamilyang Batangueño.
Sa direktiba ni Governor Hermilando “DoDo” Mandanas, nakatakdang pasimulan ngayong unang linggo ng Nobyembre 2021 ang ₱7 Milyong proyekto, kung saan mamimigay ng mga seedlings, fertilizers at gardening tools sa mga piling pampublikong paaralan sa elementarya at high school sa Lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Ms. Gina Ferriols, PSB Secretariat Head, hangad ng nasabing proyekto na maisulong ang vegetable production sa mga paaralan at pamayanan, katuwang ang mga school officials, guro, magulang at mag-aaral.
Kinakailangang may sapat na bakanteng lote ang mga paaralang magiging ka-partner sa programa, at nakahandang makipag-ugnayan ang paaralan at parent-teachers association ng mga ito.
Unang ibibigay sa mga opisyal ng mga paaralan ang mga materyales, at ipamamahagi naman ang mga ito sa mga miyembro ng kanilang PTA.
Nitong nakaraang mga buwan, may pauna nang naipamahaging seedlings mula sa Provincial Agriculture Office, na ka-partner ng PSB sa nasabing gawain. Tinatayang malapit nang anihin ang mga gulay mula sa mga punlang itinanim, na maaaring ibenta para mapagkakitaan.
Dagdag ni Ferriols, naaayon ito sa sinabi ni Gov. Mandanas na magpaabot ng tulong sa mga paaralan na mapagkukunan din ng livelihood ng mga pamilyang katuwang sa pagsasakatuparan ng programa.
Nakatakdang itanim ang mga seedlings at gamitin ang fertilizer sa mga bakuran ng mga pampublikong paaralan, at maaari ring pagyamanin sa mga bakanteng lote sa mga lokal na komunidad at bahay-bahay.
Ang proyekto ay isinasakatuparan din ng pamahalaang panlalawigan katulong ang Department of Education – Batangas Province.
VIA | PRESS RELEASE / Batangas Capitol PIO