fbpx

CHRISTMAS TREE LIGTING, MULING PINAILAW SA TANAUAN CITY, BATANGAS

Matapos ang halos dalawang taon, muling nagningning ang kapaligiran ng Cityhall ng Lungsod ng Tanauan makaraang muling isagawa ang tradisyonal na “Christmas Tree Lighting” noong araw ng Huwebes, Disyembre 9, 2021.

Dinagsa ng mga Tanaueño ang espesyal na programa na tinampukan din ng mga aktibidad tulad ng Christmas Ball for a Cause, Barangay Kutitap: Barangay Decoration Contest, Christmas Tiktok Dance Challenge, Dance Revolution, at Soloista 2021.

Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan pa rin ni Mayor Angeline “Sweet” Halili ang kanyang mga kababayan na bagamat bumubuti na ang pangkalahatang sitwasyon ng Lungsod hingil sa Covid-19, patuloy parin sila sa pag-iingat sa pamamagitan ng pagsunod sa mga panuntunan na pinaiiral ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Doble naman ang kasiyahan ng mga batang dumalo makaraang sila ay makatanggap ng espesyal na regalo mula kay Mayor Angeline “Sweet” Halili.

Naging panauhing pangdangal sa naturang okasyon si Vice Governor Mark Leviste. Nakisaya din sina Vice Mayor Atty. Junjun Trinidad at mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod, City Administrator Rizaldrin Epimaco B. Magpantay, mga Department Heads, Barangay Captains and Functionaries, at mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Tanauan. 

via Tanauan City Information Office

About Author