fbpx

14-ANYOS NA BINATILYO SA BACOLOD, PATAY MATAPOS PAGBABARILIN

Isa na namang insidente ng pamamaril ang naganap sa Bacolod City ngayong linggo. Ngayon naman, isang katorse anyos na binata ang namatay sa Barangay Vista Alegre. 

Sinabi ni Police Capt Elmer Bonilla, hepe ng Bacolod Police Station 7, nasa labas ng kanyang bahay ang biktima nang dumating ang limang armadong lalaki sakay ng puting van dakong alas-10:35 ng gabi. Tumakbo ang biktima nang makita ang mga salarin.

Gayunpaman, hinabol siya hanggang sa maabutan siya ng mga salarin. 

Ilang beses pinagbabaril ng mga armadong lalaki ang biktima, hanggang sa mahulog ito sa sapa, kung saan pinaniniwalaang muli itong pinagbabaril. Umalis ang mga salarin na naka-bonnet matapos ang insidente na kita sa kuha ng CCTV camera. 

Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala para sa isang kalibre .45 na baril at isang carbine rifle.

Ayon kay Bonilla, may tatlong anggulo silang tinitignan upang maging motibo sa pagpatay sa binatilyo. Una, maaring may kinalaman sa ilegal na droga ang pagpatay dahil nakulong ang ama nito dahil sa kaso ng droga at maging ang kanyang tiyuhin. 

Maari ring hidwaan pagitan sa dalawang pamilya o di kaya nama’y maling pagkakakilanlan ang posbileng motibo sa pagpatay sa binatilyo. Wala pang lead ang mga awtoridad sa mga salarin dahil sa pagkabigo ng CCTV footage na makuha ang plaka ng sasakyan. | James Tiangco

About Author