Inaprubahan sa House of Representatives nitong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang naglalayong magbigay ng pinahusay na proteksyon, seguridad, at mga benepisyo para sa mga manggagawa sa media.
Lusot sa Kamara na may botong 25-0 ang House Bill (HB) No. 454 o ang iminungkahing Media Workers Welfare Act, na nagbibigay ng seguridad sa panunungkulan para sa mga tauhan ng media na itinuturing silang mga regular na empleyado anim na buwan mula sa simula ng trabaho, bukod sa iba pang benepisyo.
Sa ilalim ng iminungkahing panukala, makakakuha ang kawani ng media ng dagdag na insurance coverage benefits tulad ng: death benefit na P200,000 para sa bawat media worker na namatay sa linya ng tungkulin;
benepisyo sa kapansanan na hanggang P200,000 para sa bawat manggagawa ng media na dumanas ng kabuuang o bahagyang kapansanan, permanente man hanggang pansamantala, na nagmumula sa anumang pinsalang natamo sa tungkulin;
at hanggang P100,000 benepisyo sa segurong medikal para sa bawat manggagawa sa media
Pasok sa iminungkahing batas ang lahat ng mga manggagawa sa media at mga media entity sa pribadong sektor.
Dagdag pa, ang panukalang batas ay nagsasaad din na ang mga entidad ng media ay mananagot para sa lahat ng nilalamang inilabas sa ilalim ng kanilang pangalan at mga reklamong gross negligence at malicious act.
Dagdag pa ito sa mga insurance coverage na sa ilalim ngng Social Security System, Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund, at Philippine Health Insurance Corporation.
Isinasaad ng panukalang batas na ang minimum na kompensasyon para sa mga manggagawa sa media ay hindi dapat mas mababa sa naaangkop na minimum na sahod na itinakda ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board.
Sila din ay may karapatan sa overtime at night shift pay gaya ng itinatadhana sa ilalim ng Labor Code at mga kaugnay na batas.
Ayon kay House Speaker Martin G. Romualdez, ang pag-apruba ng panukala ay isang pagtataguyod sa kapakanan ng mga mamamahayag at pagtitiyak ng press freedom lalo na’t itinuturing na Fourth Estate ang media.