Wala yatang taong hindi mahilig sa kape. Mula umagahan ba naman hanggang sa walang tulugang mga gabi, kaagapay ito ng marami. Ngunit iinom ka pa rin ba kung ang kape mo ay galing sa dumi ng hayop?
Ito ay ang civet coffee, isang uri ng kape na nagmumula sa dumi ng Palm Civet–animo’y pusang gubat na kadalasang matatagpuan sa mga kabundukan ng Timog Silangang Asya. Pihikan ang civet sa kanilang mga kinakain, ngunit kilala sila sa mahusay na pagpili sa pinakamaganda at pinakahinog na coffee cherries na Arabica o Liberica. Sumasailalim sa kakaibang fermentation sa loob ng tiyan ng mga civet ang mga coffee cherries, dahilan upang magtaglay ito ng pambihirang lasa kapag idinumi na nila.
Kadiri man sa marami, ngunit tinatayang umaabot sa P1500 hanggang P5000 ang isang maliit na baso ng civet coffee. Pahirapan kasi ang pagkuha sa dumi ng civet, kinakailangan pang suyurin ang mga kabundukan upang matagpuan ito. Kaya naman pagkamahal-mahal din ang presyo. Subalit ano nga bang kinaibahan nito sa ibang kape? Ayon kasi sa pag-aaral, ‘di hamak na mas marami ang benepisyong pangkalusugang dulot ng civet coffee kaysa normal na kapeng nabibili sa merkado.
Ang civet coffee kung regular na iinumin ay nakatutulong upang mapababa ang tsansang magkaroon ng cancer. Sinasabi ring maaari itong maging mahalagang bahagi sa paggamot sa colon, rectal at breast cancer.
Maging sa atay ay may maganda rin itong dulot, pinaniniwalaan kasi na ang mas maraming beses na pag-inom ng civet coffee ay nakababawas sa lebel ng liver enzymes na mabuti upang maiwasan ang pamamaga at komplikasyon.
Mainam din itong panlaban sa mga neurological diseases gaya ng Alzheimer’s at Parkinson’s Disease. Naglalaman kasi ang civet coffee ng antioxidant properties na nakabubuti para sa ating cells gayundin upang maiwasan ang pamamaga ng bahagi ng ating utak.
Taglay din ng civet coffee ang inositol, na makatutulong upang mabalanse ang ilang kemikal sa katawan na maaaring magdulot ng masamang epekto sa mental health gaya ng depresyon, panic disorder, anxiety at obsessive- compulsive disorder.
Kaya ring kontrolin ng kapeng ito ang diabetes, dahil kasi sa mababang acidic concentration nito at ng inositol, mabilis na gumagana ang insulin para sa mga may type 2 diabetes. Ang regular ding pag-inom nito ay nakapagpapababa ng tsansang magkaroon ng diabetes hanggang 50% ang isang tao.
Bagamat puno ng benepisyong taglay ang civet coffee, mainam pa ring magpatingin sa doktor kung may nararamdaman. Hindi ibig sabihin na ito’y gamot sa mga nasabing sakit dahil sinasabing ito’y nakatutulong lamang. Mas mainam pa rin na panatilihin ang pagkain ng masusustansya, mag-ehersisyo at umiwas sa mga bisyong nakasasama sa kalusugan. | Annanea Ocfemia INTERN