Pinangunahan ng Office of Civil Defense (OCD) ang pag-inspeksyon sa mga lugar na nasa kahabaan ng fault lines sa Quezon City at Pasig bilang bahagi ng paghahanda sa lindol, kung saan binansagan nila ang aktibidad bilang ‘Walk the Fault” nitong Martes.
Ayon sa pahayag ng OCD, bumisita si Undersecretary Ariel Nepomuceno kasama ang mga kalahok na opisyales sa mga apektadong subdivision na matatagpuan sa dalawang lungsod. Sa ginawing aktibidad, sinuri nila kung ang mga marker ng fault ay visible pa rin, at kung mayroon pa natitirang mga ari-arian o imprastraktura na direktang apektado ng fault.
Dagdag pa ng ahensya, bahagi ang “Walk the Fault” sa finalization ng Oplan Metro Yakal Plus, ang contingency plan ng Metro Manila at paghahanda para sa “The Big One” o worst-case scenario kung sakaling magkaroon ng magnitude 7.2 na lindol mula sa West Valley Fault.
Itinalaga ang naturang West Valley Fault bilang isa sa dalawang pangunahing bahagi ng Valley Fault System, na dumadaan mula sa Quezon City papunta sa mga lungsod ng Marikina, Pasig, Makati, Taguig, at Muntinlupa sa NCR.
Nauna naman inihayag ng OCD na ang National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para sa unang quarter ng taong ito ay nakatakda sa Marso 9. | L.Bermudez intern