Sumabak sa Capacity Building and Action Planning Workshop ang 21 Young Farmers Challenge
(YFC) Awardees sa Argosino Hall, Lipa Agriculture Research and Experiment Station, Batangas.
Ito ay upang masiguro ang tuluy-tuloy na implementasyon ng mga proyekto ng mga awardees at
magabayan ang mga kabataan sa tamang pamamalakad at pagpapalawig ng kani-kanilang negosyo.
Ang YFC ay programa ng Kagawaran ng Pagsasaka na nagbibigay oportunidad sa mga kabataang
Pilipino na bumuo ng Business Model Canvas (BMC) at magpatakbo ng pang-agrikulturang negosyo
sa pamamagitan nang pagbibigay ng financial grant assistance.
Matatandaang noong taong 2021-2022, nakapasa ang 56 BMCs ng 188 kabataan ng rehiyon bilang
provincial awardees, tatlo ang naideklara bilang regional awardees, at isa naman ang napabilang sa
national awardees ng bansa.
Tinalakay sa aktibidad ang kahalagahan ng Barangay Micro Business Enterprise (BMBE)
Registration/Certification, Consumer Rights, at Recordkeeping na ibinahagi nina Department of
Trade and Industry (DTI)-Batangas TI Development Specialist/BMBE Account Officer Gng. Malin
Valencia at Senior TID Specialist Milgaros Mercado; Bureau of Internal Revenue (BIR) Regional/
District Office (RDO) 59 Registration Officer Bb. Chryzelle Patron at Assessment Officer Bb. Katrina Faye Javier; at Kids Agriventures Corp. President Gng. Virginia Terrobias, ayon sa pagkakabanggit.
Ibinahagi rin ang ilan sa pamamaraan ng paggamit ng Social Media Marketing.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kalahok na ibahagi ang estado at pamamaraan sa
pagpapatakbo ng kani-kanilang negosyo at pati na rin ang rekomendasyon patungkol sa
pagpapaunlad ng programang YFC.
Patuloy namang hinihikayat ng tanggapan ang lahat ng mga kabataan na lumahok sa programa. Sa
kasalukuyan ay bukas na muli ang aplikasyon ng YFC program para sa taong 2023. Mangyari
lamang na makipag-ugnayan sa DA-4A Agribusiness and Marketing Assistance Division hanggang sa
ika-30 ng Hunyo. | DA CALABARZON