fbpx

2,790 ulo ng biik, ipapamahagi ng DA-4A bilang mgasentinel pigs sa mga lugar na walang kaso ng ASF

Aabot sa 2,790 ulo ng biik, pakain, at disinfectant ang inilaan ng Department of
Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Livestock Program para sa mga magbababoy sa
rehiyon kung saan wala nang kaso ng African Swine Fever (ASF).


Bahagi ito ng implementasyon ng sentinel protocol sa ilalim ng programang Integrated
National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE).

Ang mga ipapamahaging biik ay magsisilbing sentinel pigs upang masiguro na wala
nang bakas ng ASF sa mga lugar at tuluyang maibalik ang populasyon ng ligtas na baboy
sa rehiyon kaakibat ng pagpapataas ng produksyon at suplay nito sa merkado.

Kaugnay nito, sa bawat lalawigan ng rehiyon ay 558 na sentinel pigs ang nakatakdang
ibigay sa 186 magsasaka. Nitong ika-16 ng Hunyo lamang ay nagsimula nang magkaloob
sa Lipa City, Batangas ng 93 biik sa 31 magsasaka at inaasahan na masusundan pa ito sa
mga susunod na linggo.

Ayon kay Eliseo Agonia, isang magbababoy sa Lipa, napakaganda ng uri ng mga biik na
handog ng DA-4A sa kanila kaya naman sisiguraduhin niyang maganda rin ang
patutunguhan ng kanyang pag-aalaga at pagnenegosyo.

Samantala, patuloy ang inspeksyon ng mga kawani ng Kagawaran at lokal na
pamahalaan upang siguruhin ang pagsunod ng mga magbababoy sa mga pamantayan sa
biosecurity bago sila mabigyan ng mga nasabing interbensyon. | DA-CALABARZON

About Author