Binuksan at ibinahagi na sa publiko ang Fernando Poe Jr. Arena “FPJ Arena” bandang alas-3 ng hapon noong Agosto a-20 sa Barangay Dagatan, San Jose, Batangas bilang pagdiriwang ng ika-84 anibersaryo ng kaarawan ni Da-King FPJ na pinasinayaan din ng anak nitong si Senadora Grace Poe.
Ang nasabing arena ay itinuturing na isa sa pinakamalaki at pinaka-modernong sports complex sa lalawigan ng Batangas, na naglalayong mapaunlad pa ang turismo ng bayan ng San Jose maging ang mga mamamayan nito.
Ilan sa mga kasamang dumalo sa naturang inagurasyon si Batangas Gov. Herminaldo Mandanas, Vice Gov. Mark Leviste, 4th District Representative Congresswoman Lianda Bolilia, 6th District Rep. Ralph Recto, Cong. Edwin Gradiola, Vice Mayor Noel Virtucio, SB Members, Liga ng mga Kapitan sa naturang bayan, mga Board Members, mga Mayors, Vice Mayors mula sa ibat-ibang bayan, at si Brian Poe Llamanzares.
Ang lokal na Pamahalaan ng San Jose, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Valentino “Ben” R. Patron, ay naglaan ng budget para sa pagkuha ng 12,000 square meters na lote sa Brgy. Dagatan, ng nasabing bayan at ang naturang konstruksyon ng FPJ Arena ay sinuportahan sa pamamagitan ng mithiin at pagpopondo ni Sen. Poe.
Ang arena ay maituturing na isang modernong pasilidad na binubuo ng 3,000 seating capacity at iba’t-ibang pasilidad katulad ng family restroom, VIP lounge, player’s dugout, admin office, media room, at multi-purpose room kaya naman inaasahan ng LGU na ang FPJ Arena ang magiging pangunahing paggaganapan ng iba’t-ibang patimpalak katulad ng sports sa hinaharap sa probinsya ng Batangas.
Kaisa ang munisipalidad ng San Jose, Batangas na kumikilala sa kahalagahang mas mapahalagahan ang legasiya ni Fernando Poe Jr. at ng kanyang asawa na si Susan Roces kaya naman ang property nila sa Brgy. Pinagtung-ulan, ng nasabing munisipalidad, ay nagpagpasiyahang gawing tourist destination na nagpapakita ng pambihirang legasiya ng dalawang haligi sa industriya, na malaki ang maiitulong sa paglago ng ekonomiya ng buong komunidad.
Sa bisa ng Sangguniang Bayan Ordinance No. 2023-06-021, na kilala rin bilang ordinansang nagdedeklara na ang mga tagapagmana ng mag-asawang Ronald Allan Poe a.k.a. Fernando Poe Jr. at Jesusa Purificacion Levy Sonora a.k.a Susan Roces bilang Adopted Family ng Munisipalidad ng San Jose, ay pinagtibay bilang pagkilala sa pambihirang kontribusyon ng mag-asawa, sa kanilang pambihirang legasiya at malaking epekto sa industriya.
Kaya naman ang bagong sports arena na opisyal na pinangalanang FERNANDO POE JR ARENA (“FPJ ARENA”) sa bisa ng Ordinance No. 2023-07-024 na nilagdaan noong July 10 ang magsisilbing pangmatagalang pagpupugay sa kahanga-hangang legasiya ng yumaong si Fernando Poe Jr. na kumikilala sa kanyang walang hanggang pagsisikap sa pagtataguyod ng kultura at sining ng mga Pilipino na nagdulot ng napakalaking kontribusyon at pagkilala sa ating bansa. | J.P. Atienza, Balisong Channel | 📸 Sen, Grace Poe/Balisong Channel