Dumating na sa bansa ang labi ng dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) na ang isa ay napatay sa Israel habang ang ikalawa ay ginahasa at pinatay ng isang menor de edad sa Jordan nitong Sabado ng hapon.
Unang dumating sa NAIA Terminal 3 ang mga labi ng pinatay na OFW sa Jordan na si Mary Grace Santos, at residente ng Macabebe, Pampanga.
Sumunod na dumating ang labi ng OFW caregiver na si Loreta Alacre, residente sa Negros Occidental, na napatay naman sa Israel matapos protektahan nito ang matandang employer nang umatake ang grupong Hamas.
Samantala, matatandaang naiulat na si Mary Grace ay pinatay at ginahasa ng 16-anyos na Egyptian, kung saan nakita ang bangkay nito sa basement ng gusali sa kanyang pinagtatrabahuhan sa Amman, Jordan.
Ayon sa Department of Migrant Workers, na naisampa na ang kaso sa suspek sa panggagahasa at pagpatay sa OFW sa Jordan.
Nagpadala na rin sila ng abogado sa Jordan na tututok sa nasabing kaso at sinabing nahuli na ang suspek.