Pinuna ng netizens ang isang viral video na ibinahagi ni Ren The Adventure, matapos ipakita nito ang Captain’s Peak Resort na matatagpuan sa gitna ng Chocolate Hills Natural Monument sa Sagbayan na katabi ng Camen, Bohol.
Bagaman ang Chocolate Hills ay isa sa mga ipinagmamalaki ng Pilipinas dahil sa likas na kagandahan nito, tila hindi nasiyahan ang netizens sa mga pagbabago dahil sa mga proyekto katulad ng itinayong resort na makikita sa gitna nito.
“Not a good idea… it destroys the beauty of nature… specifically the iconic Chocolate Hills… so sad,” komento ng isang netizen.
“It’s truly disheartening! The Chocolate Hills are not just a natural wonder but also part of our heritage. Preserving them is crucial for future generations to marvel at their beauty and significance. Let’s advocate for their protection together!” dagdag pa ng isang netizen.
Sa isang panayam kay Atty. Jamie Aumentado Villamor, 2018 pa umano naaprubahan ang konstruksyon ng resort.
Wala din aniyang Environmental Compliance Certificate (ECC) ang naturang resort kaya hindi dapat nagpapatuloy ang operasyon nito lalo’t may paglabag ito sa environmental laws.
Matatandaan na ang Chocolate Hills ng Bohol ay idineklara ng UNESCO bilang pangatlong National Geological Monument sa bansa, noong June 18, 1998, kung kaya’t mahigpit na nasa pangangalaga ito ng Philippine Tourism Authority.
“This unique karst landscape is composed of smooth, conical hills. They are the result of thousands of years of erosion of the limestone on what was once a thick build-up of coral reefs that thrived during the Pliocene approximately 2 to 5 million years ago,” bahagi ng paglalarawan ng UNESCO sa Chocolate Hills.
Kinuwestyon naman ito ng isang social media presonality na si Dr. Richard and Erika Mata, “Bakit pinayagan magpatayo ng isang resort sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol? Diba may deliberation yan sa kunseho?”
Ayon sa DENR, nag-isyu na sila ng temporary closure order laban sa resort noong 2023 at notice of violation nito lamang January 2024 dahil sa pag-operate nang walang permit.
| J.A Idanan, B.Channel Intern