fbpx

Batangueño artist, tatanggap ng prestihiyosong art award sa Milan, Italy

Itinaas ang bandera ng Pilipinas ng isang 21-anyos na Batangueño na si Vince Martin Avila Macatangay matapos makatanggap ng imbitasyon mula sa National Museum of Science and Technology “Leonardo Da Vinci” sa Milan, Italy para tumanggap ng International Prize Leonardo da Vinci (Special Edition Gold) sa darating na ika-13 ng Abril, ngayong taon.

Ang imbitasyon ay mula sa mga kilalang art curators sa Italya na sina Francesco Saverio Russo, Salvatore Russo, at ang presidente ng Effetto Arte Foundation na si Sandro Serradifalco.

Nagpapasalamat naman nang lubusan si Macatangay para sa pagkilala sa kanya ng nasabing museyo. Ang tatanggapin nitong award ay isang precious customized sculpted trophy na may mukha ni Leonardo Da Vinci, na handmade ng isang Tuscan Artisan. Isa ito sa pinakaprestihiyosong art award sa Milan, Italy na ibinibigay sa mga young artists na nagpapakita ng kahusayan sa sining.

“21 palang ako, nagsisimulang artist, pero sobrang maaga para marecognize ang art ko ng ganitong kalaki. Salamat. Salamat” saad nito sa kaniyang Facebook post. 

Si Vince ay mula sa Padre Garcia at bahagi ng Sihay Lipa sa lalawigan ng Batangas, na isa rin sa mga nangasiwa sa katatapos lamang na Art Festival ng Barako Fest sa Lipa, Batangas.

Bukod dito, naitampok na rin siya sa isang International magazine ng PLPG Global noong nakaraang taon kasama ang mga kilalang celebrities at magagaling na mga artistang mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Matatanggap ni Vince ang kaniyang parangal sa Milan sa ika-13 ng Abril ngayong taon sa harap ng mga kolektor, mamahayag, pulitiko, at mga tagahanga ng sining. | J.A Idanan, B.Channel News Team

About Author