Agad na binawian ng buhay ang 39-anyos na lalaki makaraang makuryente sa kanyang trabaho sa itinayong Daycare Center sa Brgy., Laurel Taysan, Batangas bandang ala-1:30 ng hapon nitong Sabado, Marso 23.
Kinilala ng Taysan Police ang biktima na si Juancho C. Rizare, electrician sa isang Construction Company, may apat na anak, at residente sa Brgy. San Miguel, Padre Garcia, Batangas.
Ayon sa report ng Taysan Police, habang inaayos ng biktima ang linya ng kuryente sa bagong tayo na Daycare Center sa Brgy. Laurel Session Hall ay aksidente itong nakuryente.
Dahil dito, agad umanong pinatay ng mga katrabaho ang electric breaker at ibinaba ang biktima upang isugod sa hospital.
Sa kasamaang palad, idineklarang dead on arrival ng doktor ang biktima.
Lumalabas naman sa imbestigasyon ng pulisya na wala umanong suot na proper equipment ang biktima at wala rin safety officer sa mismong pinangyarihan ng aksidente.
Sabi pa sa report ng Taysan Police, nakatanggap na lang sila ng tawag dakong alas 6:10 ng gabi mula sa isang punerarya at ipinaalam sa kanila na dinala doon ang mga labi ng biktima.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente.