Viral ngayon sa social media ang isang video kung saan makikita ang OPM singer na si JK Labajo na ipinahayag ang kaniyang pag aalala sa isang 2 month old na sanggol na isinama ng magulang nito sa kanyang concert.
Makikita sa video na inupload ng isang Facebook user na Life of E’s, na huminto si JK sa kalagitnaan ng kanyang performance habang may kausap sa crowd. Ang nasabing kausap nito ay ang magulang ng nasabing sanggol na umiiyak na.
Sa ibang parte naman ng video na kuha sa ibang anggulo, makikita na karga ng singer ang sanggol. Bakas sa mukha nito ang pag aalala habang kinakausap ang isa sa mga staff nito.
Pinaalalahanan naman ni Jk ang mga nasa concert, partikular na ang mga magulang, na nakasasama sa sanggol edad isang taon pababa ang masyadong malakas na tunog o ingay dahil sensitive pa umano ang mga tainga nito.
“Yung mga bata, especially one year below super sensitive pa yung mga tenga nila… Maraming salamat sa suporta, but please alagaan niyo si baby,”saad ng singer.
Maririnig din sa video na humihingi ng headphones or ear plugs ang musician para sa sanggol. “Sino ba ‘yung mayroong headphones jan or something, kawawa ‘yung bata”. saad ni JK sa kanyang staff.
Dahil sa pangyayari, umani ng papuri ang nasabing singer dahil sa ginawa nito.
“Maayo pa si JK 🥰 Not a fan of him pero I salute him for being concern at mas may alam about sa baby 🫡”, komento ng isang netizen.
Ayon din sa isa pang komento, “You’re such a Good boy Jk. ♥️ Salute to your kind and loving care of this little Angel baby. 🥰”
Samantala, inulan naman ng samu’t saring reaksyon ang comment section mula sa mga netizens sa ginawa ng magulang ng sanggol.| D.B. Rupan, BChannel News