Sumang-ayon na ang Alphabet Inc., ang parent company ng Google, na burahin ang bilyun-bilyong record ng data mula sa kanilang mga user na gumagamit ng “incognito” mode bilang bahagi ng settlement sa isang class-action lawsuit matapos silang maakusahan na nangungulekta ng mga data nang walang pahintulot o kaalaman mula sa kanilang mga user.
Ang kaso ay humiling ng $5 bilyon na pinsala. Dahil dito, nagsumite ang kumpanya ng “Terms of the Settlement” sa Oakland, California federal court noong Lunes, ika-1 ng Abril.
Matatandaan na may nag-file ng kaso noong 2020, matapos ang akusasyon laban sa kompanya na palihim na nagkukolekta ng mga datos mula sa mga user na gumagamit ng Chrome web browser kahit na nasa pribado o “incognito” mode.
Ang incognito mode ay isang feature ng browsing na nagpapahintulot sa mga user na mag-browse nang pribado at nang hindi ma-record ang kanilang search history, cookies, at iba pang mga datos sa kanilang device.
“We are pleased to settle this lawsuit, which we always believed was meritless. The plaintiffs originally wanted $5 billion and are receiving zero,” ayon sa pahayag ni Google spokesman José Castañeda.
“We are happy to delete old technical data that was never associated with an individual and was never used for any form of personalization.” dagdag pa nito.
Ayon sa mga netizens, ang Google ay isang “unaccountable trove of information” dahil sa pagpapahintulot nito sa kumpanya na ma-track o malaman ang mga mahahalagang datos ng mga user tulad ng shopping habits, personal stuffs, at ang mga hinahanap nila online na “most intimate and potentially embarrassing things”.
Gayunpaman, sumang-ayon rin ang Google na ipaalam sa mga user na kinokolekta nito ang mga datos habang gumagamit sila ng incognito mode.
Ipatitigil din nito ang mga third-party tracker sa feature sa pamamagitan ng default.
Bukod dito, pinapayagan ng settlement ang mga user na mag-file ng mga indibidwal na reklamo; 50 sa kanila ang nagawa na ito sa California.
Nakatakda naman ang hearing sa darating na July 30, kung aaprubahan ang kasunduan kung saan makalulusot ang Google sa paglilitis sa class-action suit.| J.A. Idanan, B.Channel News Team