Tampok ang pag-aalaga ng mud crab (scylla serrata) o mas kilala sa tawag na mangrove crab bilang isa sa mga kabuhayan ng mga lokal sa Barangay Pantalan at Bunducan sa Nagsubu, Batangas.
Ang mangrove crab culture o ang pag-aalaga ng alimango ay isang paraan ng aquaculture na naglalayong palakihin ang mga alimango sa isang kontroladong kapaligiran.
Ayon sa isang Licensed Fisheries Technologist at Senior Agriculturist ng Municipal Agriculture Office ng Nasugbu na si Darwin D. Salanguit, sa munisipalidad ng Nasugbu ay may estimated na kabuuang 131 hectares ng brackishwater fishponds kung saan inaalagaan ang bangus, p. vannamei at mga alimango na nasa 50 hanggang 69 na ektarya naman.
Ayon pa kay Salanguit, regular na lumalaki ang isang alimango hanggang six months na kung saan pwede na itong ma-harvest. Nagkakahalaga naman ng P3.00 ang isang semilya ng mangrove crab sa season nito.
May kakayahang mangitlog ang isang babaeng mud crab ng halos isang milyon at ang pinakamabigat na timbang nito ay umaabot naman sa 3.5 kilo bawat isa at may lapad na halos 9.5 na pulgada.
Dagdag pa rito, sa kagustuhan ng mga nag-aalimango na makatanggap ng tulong mula sa gobyerno at Batangas Provincial Agriculture Office (BPAO) upang mapagpatuloy ito ay nagtatag sila ng samahan o assosasyon na tinawag na Bunducan Fish Farmers Association na itinatag noong Hulyo 2022.
Dahil dito, nabiyayaan ng proyektong mangrove crab culture mula sa BPAO sa dalawang magkasunod na taon. Bukod pa rito, ang munisipyo ay namamahagi din ng mga semilya ng mga alimango sa mga nag-aalaga nito sa Nasugbu.
“Layunin po nito na matulungan at maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga nag-aalaga ng alimango sapagkat limitado ang tulong na naibibigay sa kanila di tulad sa ibang crops. Layunin din nito na mapatatag ang samahan at sama-samang pagtulungan ang hamon ng buhay,” saad ni Salanguit.
Noong nakaraang Agosto ng 2023, nagsimula sa pag-aalaga ng mga alimango ang mga BFFA, naapektuhan ito ng malakas na bagyo.
“Nung unang subok po ng proyektong ito ay inabot po ng baha na nagdulot ng pag-apaw ng mga palaisdaan at pagkawala ng mga stock,” ani ni Salanguit.
Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin ang mangrove culture crab sa Nasugbu, lalo na sa Barangay Pantalan at Bunducan. Malaki naman ang maitutulong ng mga lokal sa mga nag-aalaga nito sa pamamagitan ng pagtangkilik at pagsuporta sa kanilang mga produkto.
Magugunitang noong Marso 14, nagsagawa ng Mangrove Crab Culture Project Harvest Field Day sa Barangay Bunducan, na pinangunahan ng Office of the Provincial Agriculturist-Batangas (OPAg). Ang proyekto ay naglalayon na higit pang paunlarin ang industriya ng pag-aalimango sa lugar at magbigay ng karagdagang kita at kabuhayan sa 26 na mga miyembro ng Barangay Bunducan Farmers Association.
Ayon naman kay Aquaculturist II ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) na si Paul John Caunan, inaasahan na aabot sa mahigit 420 kilogram ng mga alimango ang maaani sa proyektong ito.
Samantala, lumabas naman sa isang pag-aaral ng Journal of Marine Sciences na ang mangrove crab ay mayaman sa protina, naglalaman ng iba’t ibang mga micronutrients tulad ng iron, zinc, at vitamins tulad ng Vitamin B12, may mababang bilang ng calorie, at mayaman sa omega-3 fatty acids na mahalaga para sa kalusugan ng puso at utak. | NS: B. Magboo, C. Mateo, G. Rosales – BSU-Pablo Borbon Campus | Cont: BChannel News Team | Photo: Batangas PIO/Nasugbu Agriculture Office