Sa vlog ni Toni Gonzaga na ‘Toni Talks’, nakapanayam niya ang aktres at mananayaw na si Rochelle Pangilinan, nitong Linggo, Abril 7.
Sa panayam, ibinahagi ni Rochelle ang mabigat na pinagdaanan niya sa pagpanaw ng kanyang ama, kung saan nangyari ito habang siya ay may performance sa stage.
“Parang naging robot ka nalang na nag-pe-perform na wala ng emosyon,” ani Toni at sumang-ayon naman dito si Rochelle.
Tila naguguluhan na si Rochelle nang mga oras na iyon at hindi na mawari ang kanyang gagawin. Ngunit, nagbukas ang isip niya na kailangan niyang maging malakas.
“Nung nakita ko siya, parang hinawakan ko lang. Pinipilit kong umiyak. Pero hindi kaya. Huwag ko ng pilitin. Kasi hindi ko siya tanggap,” ani Rochelle.
Nasasaktan si Rochelle dahil may usapan sila ng kanyang ama na magsusumikap siya basta lalaban ang ama sa sakit niya, ngunit nabigo ito. Pinigilan naman niya na ipakita na nanghihina siya dahil gusto niyang maging malakas para sa mga kapatid niya.
“Tsaka yun yata talaga yung pinakamasakit na parte ng isang tao, yung mawalan ka ng magulang,” ani Rochelle.
Hindi rin agad nakapagluksa si Rochelle dahil kasabay ng pagpanaw ng kanyang ama ang kanyang trabaho. Wala siyang oras para damdamin ang sakit na mawalan ng isang magulang. Kinailangan niya magtrabaho dahil sa dami ng kaniyang babayaran para sa libing ng kanyang ama.
Ibinahagi din niya na nagiging mahina siya kapag walang nakakakita sa kanya. Ibinubuhos niya lahat ng sakit at lungkot kapag mag-isa na lamang siya.
“Gusto ko maisip nila lagi na bukod sa magaling akong mananayaw. Gusto ko makita nila ako na mabuti akong tao. Mabuting ina at good follower ako of God,” sagot ni Rochelle sa tanong ni Toni kung ano ang gusto niyang maiwan na imahe niya sa mga tao. | 🎥 Toni Gonzaga Studio / YouTube | A.M. Dimayuga, BChannel News