Pananagutin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang viral na may-ari ng Tokoyaki business kung mapapatunayang wala itong promotional permit bago isagawa ang kanilang planadong ‘marketing stunt’ nitong nakaraang April Fool’s Day.
Matatandaang na nag-viral sa social media ang April Fool’s prank nila dahil sa umano’y magbibigay sila ng P100k sa unang tao na magpapatattoo ng logo ng kanilang business sa noo. Subalit, kalaunan ay inamin ng may-ari na planado at scripted lamang ito para sa kanilang marketing stunt na inilabas sa kanilang Facebook page.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, posibleng masampahan ng reklamo ang may-ari ng takoyaki dahil maaring wala silang promotional permit mula sa DTI bago nila isagawa ang kanilang marketing stunt.
Dagdag pa dito, kahit may promotional permit ang isang marketing stunt, may pamantayan pa rin ang DTI bago ito isagawa tulad ng mechanics sa promotion, ayon pa kay Nograles.
Base sa Artikulo 116 ng R.A. 7394, o kilala rin bilang Consumer Act of the Philippines, ang sinumang tao o kumpanya na nagsasagawa ng sales promotion campaigns ay dapat munang kumuha ng Sales Promotion Permit mula sa kinauukulang Kagawaran (DTI o DOH) bago ito ilunsad. Layunin ng probisyong ito na protektahan ang mga mamimili mula sa mga misleading advertisement at fraudulent sales promotion practices.
Inilinaw naman ng DTI na wala silang kapangyarihan o karapatan na bawiin ang business permit ng isang negosyo, ngunit kung may magreklamo sa ahensya, maaari silang dumulog sa lokal na pamahalaan na may kapangyarihan na bawiin ang business permit.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang may-ari ng takoyaki business hinggil sa pahayag ng ahensya. | J.A Idanan, B. Channel News