Naglaan ng P8 bilyong pondo ang San Miguel Corporation tollway unit na SMC SLEX Inc. para sa konstruksyon ng kanilang toll road project o SLEX TR4 na mag-uugnay sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon, ngayong taon para mapalawak ang kanilang expressway network.
Tinatayang aabot sa mahigit P50 bilyon ang magagastos at gagawin sa anim na seksyon para sa proyektong ito na may 66.74-kilometrong toll road.
Inaasahang magpapabawas rin ito ng malaking oras ng paglalakbay sa pagitan ng Sto. Tomas, Batangas, Lucena City at Quezon mula sa tatlong oras ay magiging 45 minuto na lamang at tinatayang dalawang oras na lang ang byahe nito mula Metro Manila hanggang Lucena City, at Quezon Province, kapag natapos ito sa taong 2026.
Ang toll road ay hahatiin sa anim na seksyon, kabilang ang Sto Tomas, Batangas hanggang Makban sa Laguna (11.32 km); Makban hanggang San Pablo City (12.75 km); San Pablo hanggang Tiaong sa Quezon (7.5 km); Tiaong hanggang Candelaria (15 km); Candelaria hanggang Tayabas (10.21 km); at Tayabas hanggang Lucena (9.96 km).
Bukod dito, ang allocated fund na gagamitin sa proyekto na ito ay gagamitin din para palawakin ang South Luzon Expressway (SLEX) upang mapabuti ang daloy ng trapiko at kapasidad.
Matatandaang sinimulan ang konstruksyon ng SLEX toll road 4 noong March 26, 2019 ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at San Miguel Corporation. | J. Idanan – BChannel News