Mahigit sa 400 na mga batang lalaki, mula siyam na taong gulang pataas, ang nakinabang sa libreng laser tuli na programa ng Rotary Club of Lipa, na ginanap sa SOS Children’s Village, Banay Banay, Lipa City, nitong Huwebes, Abril 22.
Sa panayam ng Balisong Channel News Team kina President Jhun Sanchez at President Elect ng Rotary Club of Lipa na si Orlan Bancoro, ang taunang aktibidad na laser tuli operation ay isang inisyatibo nila na layuning makapaglingkod sa mga komunidad sa lungsod ng Lipa, partikular sa mga kabataang lalaki para makatulong sa pagpapakilala sa kanilang pagbibinata o adulthood sa modernong paraan.
“Ang laser tuli ay napaka epektibo at ligtas. Numero uno, walang dugo kaya mas madali ang pag-recuperate o pagpapagaling ng mga bata kumpara sa tradisyonal na pagpapatuli,” sabi ni Bancoro.
Ayon naman kay Secretary ng Rotary Club of Lipa, PP Mary Ann Katigbak, ang kanilang non-government organization ay namahagi rin ng libreng gamot na antibiotics, pain reliever, at bitamina sa tulong at kooperasyon ng United Laboratories, Inc. o UNILAB.
“Malaking swerte sa mga bata na magpapatuli dahil libre. Sinagot na ng Rotary Club of Lipa kasi kung sa pribado, umaabot ito ng 35k. Taun-taon ito, kaya yung mga hindi makaka-avail, nagpaparehistro sila taun-taon dahil ginagawa namin itong pre-registered para hindi magulo at may sistema. Pinapapunta lang namin sila sa oras nila. Kasama dapat ang mga magulang na may dala ng birth certificate at may consent waiver,” sabi ni Katigbak.
Nagpaabot rin ng pasasalamat si Director Janet Bancoro sa mga sumuporta at nagpaabot ng tulong para sa programa at iba pang proyekto ng Rotary Club of Lipa.
Samantala, nagpasalamat naman sa Rotary Club of Lipa si Chona De La Cruz, isang magulang mula sa Brgy. Sabang, Lipa, sa libreng tuli at maayos na serbisyo na ibinigay nito sa mga kabataan.
“Malaking bagay ang libreng tuli na ito dahil kung pupunta pa kami sa ospital, malaki ang gastos, lalo na sa laser. Kaya maganda ang proyektong ito ng Rotary Club. Kaya nagpapasalamat kami at naipasok ang anak ko sa listahan,” ani De La Cruz sa panayam ng Balisong Channel News Team.
Gayundin, nagkaroon ng Emergency First Aid Lecture hinggil sa mga Heat-Related illnesses ang Philippine Red Cross – Lipa City Chapter para sa mga lokal, partikular sa mga magulang ng mga bata.
Maliban sa “Libreng Laser Tuli” Program ng RC-Lipa, binigyang diin din ni Orlan Bancoro na marami pa silang mga makabuluhang proyekto, para sa ikabubuti ng mamamayan ng lungsod, na isasagawa sa ilalim ng kanyang termino para sa taong 2024-2025.
Ang proyektong may temang “Libreng Laser Tuli Para Pogi” ay taunang aktibidad ng Rotary Club of Lipa sa tulong at kooperasyon ng SOS Children’s Village at Limcoma Multi-Purpose Cooperative, Lipa Medix Medical Center, Johnson and Johnson, Amhsco, Ethicon Endo-Surgery, Dr. Alvin Briones, Rickey Avelo ng Arms Co & Etico, Dr. Zark Quinto ng Lipa, UNILAB at lokal na pamahalaan ng Lipa.
Bukod sa libreng tuli, nagbigay din ng libreng gupit ang Pablo Hair Cutters at libreng feeding program ang Rotary Club para sa lahat ng lokal, partikular sa magulang habang naghihintay sa kanilang mga anak.
| J.A Idanan, D.B Rupan, J.F Fruelda, B. Channel News Team