Matagumpay ang ginanap na Group Art Show Exhibit sa isang kilalang shopping mall sa Brgy. San Antonio, San Pascual, Batangas, na pinangunahan ng Batangueñong Grupo sa Sining at Kultura (BAGSIK) mula ika-21 hanggang ika-27 ng Abril.
Sa temang “Pistahang Bayan,” ipinakita ng mga lokal na artist mula sa iba’t ibang bahagi ng probinsya ang kanilang malikhain at makukulay na mga artworks na nagpapakita ng mga pangyayari at karanasan sa mga pistahan.
Ipinahayag ni G. Remo Valenton, ang founder at presidente ng BAGSIK, ang kaniyang kasiyahan sa pagtatampok ng kanilang mga likhang-sining sa nasabing art exhibit.
“Sa mga kababayan kong Batangueño, ito’y isang magandang pagkakataon na ipakita ang aming sining bilang bahagi ng art tourism upang mas lalo pang makilala ang ating bayan,” sabi ni Valenton sa isang eksklusibong pahayag ng Balisong Channel News Team.
“Dito sa Batangas, ipinapakita namin na ang sining ay para sa lahat, hindi lamang sa mga galeriya kundi pati na rin sa mga public art. Ito ang aming adbokasiya na patuloy naming isinusulong,” dagdag pa ni Valenton.
Bukod sa art exhibit, nagsagawa rin sila ng libreng art workshop para sa mga batang interesado sa sining. Pagkatapos ng workshop, nagbigay din sila ng mga school materials para sa arts at certificate bilang patunay ng kanilang partisipasyon sa aktibidad.
Binigyang-diin din ni Valenton na mayroon nang mahigit sa 90 miyembro ang BAGSIK, na itinuturing bilang pinakamatandang grupo ng mga artist sa Batangas na itinatag noong 1991. | J.A Idanan, B.Channel News