Nauwi sa suntukan ang alitan nina Mayor Ernesto Tajanlangit III at Vice Mayor Jose Maria Fornier dahil umano sa agawan ng 500 food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Lunes, ika- 29 ng Abril.
Ang nasabing food packs ay para sa mga residente ng kanilang bayan na apektado ng El Niño.
Ayon sa ulat, ang bise alkalde umaano ang nag-request ng ayuda kay Antique Governor Rhodora Cadiao para sa mga kababayang hindi mabibigyan ng ayuda. Ngunit pagdating ng Truck na may dalang food packs sa Barangay Balut, Tobias Fortier galing San Jose, ay hinarang umaano ito ni Mayor Tajanlangit.
Doon nagkainitan ang dalawang opisyal matapos hindi magkasundo kung sino ang mamumuno sa pamamahagi ng mga food packs.
Paliwanag naman ni Mayor Tajanlangit, hindi umano nasunod ang tamang proseso sa pamamahagi ng ayuda kaya niya ito pinigilan.
Bukod dito, nadiskubre din nila na may 1,000 pang kahon ng food packs sa bodega na pag-iimbakan din ng pagkain.
Matatandaang isinailalim na rin sa state of calamity ang lalawigan ng Antique dahil sa matinding tagtuyot na pinalala pa ng El Niño phenomenon.
Dahil dito, pumagitan na ang DSWD sa nasabing insidente. Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, inatasan na ng ahensiya ang regional director ng Field Office 6 para kausapin sina Mayor Tajanlangit at Vice Mayor Fornier upang tiyakin na maihahatid ang mga family food packs sa mga apektadong pamilya.
Titiyakin din ng DSWD na masusunod ang distribution list.
Samantala, humingi na rin ng public apology ang dalawang opisyal kasunod ng nangyaring insidente. | D.B. Rupan, BChannel News