fbpx

Mangingisdang Batangueño, lumipad patungong Europa upang itaguyod ang Proteksyon sa Verde Island sa Batangas

Naglakbay mag-isa patungo sa Switzerland ang 68-anyos na mangingisda mula sa Batangas na si Maximo Bayubay, upang personal na kumbinsihin ang mga mamumuhunan at shareholders ng Switzerland-based bank na UBS Group na itigil ang pagpopondo sa mga proyektong fossil fuels na nagdudulot ng pinsala sa kalikasan ng Isla Verde sa Batangas at nagpapahirap sa mga mangingisda na naghahanap-buhay.

Sa ipinahayag ni Bayubay na talumpati sa ginanap na taunang general meeting sa Basel, Switzerland, noong Abril 24, binigyang-diin niya na may malaking banta at epekto ang proyektong fossil fuels sa ekolohiya sa Verde Island Passage. Kaya’t tiniyak niya na ang mga pag-unlad na ito ay nagdudulot ng panganib sa biodiversity ng rehiyon.

“When I was younger, I would catch more than five kilos of fish. Now, we receive less fish from our seas — because the waters we call home are not treated sustainably,” pahayag ni Bayubay, ang bise presidente ng lokal na grupo ng mga mangingisda na Bukluran ng Mangingisda sa Batangas (BMB), sa kaniyang talumpati.

Isa si Bayubay sa maraming lokal na mangingisda na naapektuhan at nanganganib sa gitna ng pagdami ng mga proyektong pang-enerhiya sa mga baybayin ng Batangas, partikular ang Verde Island Passage (VIP). Ang mga proyektong ito ay nagpapatupad ng mga buffer zone na naglimita sa kanilang mga lugar sa pangisdaan. 

Bukod dito, ang kanilang konstruksyon at operasyon ay nagbabanta rin sa mga ekosistema ng VIP, isang marine corridor na nasa tabi ng Batangas at apat pang mga lalawigan, na lalo pang naghihigpit sa kanilang paghuhuli.

“We are suffering now and you are continuing funding, financing fossil gas. It’s a big question for me. Why?” dagdag pa niya.

Dagdag pa rito, nagbabala rin si Bayubay na ang panganib sa VIP ay maaaring magresulta sa mas mababang ani ng isda, na lalong nagpapahirap sa kanilang kabuhayan bilang mga mangingisda sa lugar.

Samantala, matatandaan naman nitong katatapos lamang na Earth day, nagtipon-tipon ang mga mangigisda at lokal sa Isla Verde upang manawagan sa publiko na proteksyonan ang kanilang kabuhayan at ang marine-life ng Verde Island Passage (VIP) mula sa pagbuo ng fossil gas at liquefied natural gas (LNG). | J.A Idanan, B.Channel News Team

About Author