Magsisimula na ang pagbibigay ng mid-year bonus sa mga kwalipikadong tauhan ng gobyerno simula Mayo 15 ngayong taon, ayon sa pahayag ng Department of Budget and Management (DBM) nitong Martes.
Ang bonus na ito ay katumbas ng isang buwang sahod ng empleyado at ibinibigay sa mga tauhang nagtrabaho ng hindi kukulangin sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.
Sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang bonus na ito ay magiging tulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga kawani ng gobyerno.
Gayunpaman, upang makatanggap ng mid-year bonus, kailangan pa ring nagtatrabaho sa gobyerno ang mga tauhan sa Mayo 15, 2024 at dapat ay nakatanggap ng magandang rating sa most recent rating period or applicable performance appraisal period, ayon sa paliwanag ng DBM.
Ang bonus naman ay ibibigay sa civilian personnel, kabilang ang regular, casual, and contractual employees. Pati na rin ang mga appointive o elective positions sa Executive, Legislative, at Judicial branches of government, Constitutional Commissions, ibang Constitutional Offices, State Universities and Colleges, at Government-Owned o Controlled Corporations na nasasakupan ng Compensation and Position Classification System, pati na rin ang mga local government units. Kabilang din sa mid-year bonus ang mga tauhang naka-uniporme.
Samantala, ayon sa DBM, ang pagtatakda ng mid-year bonus para sa mga tauhan sa mga lalawigan, lungsod, munisipalidad, at barangay ay iaayon ng kanilang mga sanggunian, batay sa mga patakaran sa ilalim ng DBM Budget Circular No. 2017-2. | PNA