Nasa 12 katao, kabilang ang isang high-value target, ang naaresto, habang tinatayang nasa P171,720.00 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa ikinasang serye ng mga awtoridad sa anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan noong Marso 13 at 14, 2025.
Sa Tanauan City, tatlong indibidwal ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Brgy. Darasa at Poblacion 7, kung saan nakuha ang 10.40 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang Php70,720.00.
Sa bayan ng Mataasnakahoy, isang suspek ang nahuli sa Brgy. 2 matapos makumpiskahan ng 2.10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php14,280.00.
Sa Bauan, isang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.07 gramo at halagang P476.00 ang nakuha sa isang suspek sa Poblacion 2.
Sa Lipa City, dalawang magkahiwalay na operasyon sa Brgy. San Carlos ang nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek at pagkakasamsam ng kabuuang 10.81 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang Php73,508.00.
Sa Lian, isang sachet ng shabu na may bigat na 0.20 gramo at halagang P1,360.00 ang nakumpiska sa isang suspek sa Brgy. Poblacion 5.
Sa Calaca City, isang sachet ng shabu na may timbang na 0.12 gramo at halagang P816.00 ang nakuha sa isang naarestong suspek sa Brgy. Bagong Tubig.
Sa bayan ng Nasugbu, dalawang magkahiwalay na operasyon ang nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek. Nakuha sa kanila ang kabuuang 1.50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P10,200.00.
Sa Batangas City, naaresto si alias “Demonyo” sa Brgy. Kumintang Ibaba matapos mahulihan ng tatlong sachet ng hinihinalang shabu.
Ang lahat ng mga operasyon ay isinagawa sa ilalim ng koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at opisyal ng barangay. Kasalukuyang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa mga naarestong suspek.
Patuloy ang kampanya ng mga awtoridad laban sa iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Batangas. | BChannel NEWS