Patuloy na Pinaghahanap ang 21-anyos na Aktres na si Karen Lopez, na Limang Araw Nang Hindi Makita
Patuloy ang paghahanap sa 21-anyos na aktres na si Karen Lopez na limang araw nang hindi nakikita, ayon sa kanyang pamilya at mga taong ka-trabaho sa industriya.
Ayon sa manager ni Karen na si Lito De Guzman, hindi nakadalo ang aktres sa huling shooting day ng pelikulang Maalikaya na ginanap sa Antipolo City, Rizal. Aniya, isang malaking kabiguan ito para sa buong production team.
Kinumpirma rin ng direktor ng pelikula na si Roman Perez Jr. na napilitan siyang i-revise ang script dahil sa hindi pagdating ni Karen.
Dahil sa pagkawala ng aktres, agad na nagtungo ang kanyang ina sa Quezon City Police Department nitong Huwebes, Mayo 8, upang ipa-blotter ang insidente.
Sa paunang imbestigasyon, lumalabas sa CCTV footage na huling nakita si Karen na sumasakay sa sasakyan ng kanyang nobyo sa tapat ng kanyang condo sa Scout Madriñan, Quezon City.
Lubhang nag-aalala na ang kanyang pamilya, kaibigan, at ang buong produksiyon para sa kalagayan ni Karen. Patuloy ang panawagan ng kanyang mga mahal sa buhay para sa sinumang may impormasyon ukol sa kanyang kinaroroonan na makipag-ugnayan sa mga awtoridad. | BChannel NEWS