Isang mainit na habulan ang naganap noong ika-10 ng Mayo 2025 bandang alas-2:30 ng hapon matapos tumakas ang isang lalaki na inabutan ng mga tauhan ng Taal Municipal Police Station (MPS) habang nagsasagawa ng Oplan Sita sa Brgy. Ilog, Taal, Batangas.
Ayon sa ulat ng pulisya, isang pulang Mazda 3 na may plakang ZCG 629 ang pinara ng mga operatiba. Habang kinakausap ang driver, napansin ng mga pulis ang isang revolver na nakalagay sa tabi ng upuan ng suspek. Agad itong nagtangkang tumakas at muntik pang masagasaan ang dalawang pulis.
Sinundan siya ng mga awtoridad sa isang hot pursuit operation. Sa kanyang pagtakas, nabangga ng suspek ang dalawang sasakyan sa kahabaan ng provincial road sa Brgy. Muzon, Sta. Teresita, Batangas. Umabot ang habulan sa Brgy. Irukan kung saan pinasok ng suspek ang isang taniman ng tubo.
Sa kasamaang-palad, habang tumatakbo ang sasakyan sa gitna ng taniman, nasagasaan nito si Manuel, isang residente na noo’y nagpapahinga. Dead on the spot ang biktima.
Matapos nito, iniwan ng suspek ang kanyang sasakyan at tumakas patungo sa gitna ng taniman.
Sa isinagawang inspeksyon ng mga pulis sa iniwang sasakyan, narekober ang maliit na plastic sachet na may lamang hinihinalang shabu, Tatlong (3) heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 85 gramo at halagang ₱578,000, Isang (1) maliit na kahon, kutsarita, syringe, at kulay abong pouch, Isang (1) bugkos ng maliliit na empty sachet, Isang (1) submachine gun Cal. 45 M3 (SN: 159534), Dalawang (2) magazine at 13 bala ng Cal. 45, Isang (1) revolver na Magnum .357 (Smith & Wesson, walang serial number), Anim (6) na bala ng .357, at Isang (1) black holster.
Kinilala ang suspek sa alyas na Mark, residente ng Brgy. Pansol, Taal, Batangas. Siya ay kasalukuyang at-large at pinaghahanap ng mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon at manhunt operation upang madakip ang suspek at mapanagot sa mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), reckless imprudence resulting in homicide. | BChannel NEWS