Kasalukuyang nakalibing na ang tatlong batang biktima ng isang trahedya sa Barangay San Vicente, Sta. Maria, Bulacan matapos sunugin umano ng sariling ina ang kanilang tahanan noong umaga ng Huwebes, Mayo 15.
Ayon sa ulat mula sa Sta. Maria Police, kabilang sa mga nasawi ang tatlong batang lalaki na may edad 1, 3, at 6 na taong gulang.
Isinugod pa ang mga bata sa ospital matapos ang insidente, ngunit hindi na sila umabot nang buhay. Ang kanilang ina ay agad ring dinala sa East Avenue Medical Center sa Quezon City, subalit idineklara ring patay kalaunan dahil sa tinamong matinding mga sugat.
Inilipat na sa Batangas ang labi ng ina para sa libing, habang ang mga anak ay ililibing na sa Sta. Maria, Bulacan.
Batay sa paunang imbestigasyon, lumilitaw na matinding alitan sa pagitan ng mag-asawa ang posibleng nagtulak sa ina upang gawin ang karumaldumal na hakbang. Ayon sa pulisya, ang asawa ng biktima ay isang Police Corporal na nakatalaga sa PNP Maritime Group sa Batangas.
Sa pahayag ni Barangay Chairman Potenciano Lorenzo ng San Vicente, nagtungo pa umano sa barangay hall ang ina ilang oras bago ang insidente upang ipa-blotter ang kanilang problema bilang mag-asawa.
Sa imbestigasyon naman ng Bureau of Fire Protection, may namataan silang posporo at dalawang bote ng paint thinner sa loob ng tahanan ng mga biktima.
Bagama’t opisyal nang isinara ang kaso matapos makumpirma na walang ibang sangkot, patuloy pa rin ang malalimang imbestigasyon ng Philippine National Police upang ganap na maunawaan ang mga sanhi at kaganapan sa likod ng insidente. | BChannel NEWS