Isang lalaki ang tinamaan ng bala sa Brgy. Caloocan, Balayan, Batangas bandang 1:30 AM noong Agosto 19, 2025.
Kinilala ng Balayan Police ang biktima na si Boyet, 27-anyos, isang construction worker mula sa Camarines Sur, na tinamaan ng bala sa katawan.
Base sa paunang imbestigasyon ng Balayan Police Station, habang natutulog ang biktima sa kanyang duyan at hawak ang cellphone, bigla siyang nagising nang may humihila sa kanyang cellphone.
Nang magtangkang ibalik ito, agad na bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan siya ng dalawang beses.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungong hindi tiyak na direksyon. Ang biktima ay nagpunta na lamang sa ospital matapos ang ilang minuto.
Ang suspek ay inilarawan bilang isang lalaki na may taas na 5’5″, medium built, nakasuot ng bull cap, red jacket, at pantalon.
Patuloy ang imbestigasyon ng Balayan MPS upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek gayundin ang tunay na motibo ng suspek. | BChannel NEWS