Pormal nang sinimulan ang pagtatayo ng kauna-unahang solar power plant sa ika-apat na distrito ng probinsya ng Batangas sa bayan ng Taysan nitong August 19.
Ang proyekto, na nagkakahalaga ng mahigit P1.5 bilyon, ay itinatayo ng Wyn Power Corporation sa Barangay Bukal.
Ayon kay Mayor Dong Villena, ang 60-megawatt peak solar plant na sasakop sa 48 ektarya ay hindi lang magbibigay ng dagdag na renewable energy, kundi lilikha rin ng trabaho at dagdag kita para sa mga Taysenyo.
Nitong Martes isinagawa ang groundbreaking ceremony na pinangunahan ni Rev. Fr. Oscar Famarin sa pamamagitan ng misa at pagbabasbas, kasama ang mga kinatawan ng kumpanya at lokal na pamahalaan.
Inaasahang makakalikha ang solar farm ng hanggang 74 million kilowatt-hours ng malinis na enerhiya kada taon, na ikokonekta sa Luzon grid sa pamamagitan ng BATELEC II. Bahagi rin ito ng second green energy auction ng Department of Energy, na may tariff rate na P4.10 kada kilowatt-hour.
Dagdag ng mga lokal na opisyal, patuloy ang kanilang pagsisikap na magdala ng mga proyektong makikinabang ang mga mamamayan ng Taysan at karatig-bayan. | BChannel NEWS