Pinakakasuhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang mga opisyal na sangkot sa isang ghost project sa Baliuag, Bulacan, kung saan mahigit ₱55 milyon ang ipinagbayad para sa isang concrete river wall project na hindi naman natuloy.
Ayon sa Pangulo, ang proyekto ay isang pekeng flood control na hindi pa nailalagay sa listahan ng mga proyekto ng DPWH, at wala ring nakitang hollow blocks sa site kahit na bayad na ito mula pa noong Hunyo.
Dahil dito, nakatakdang suspendihin at kasuhan ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation of public funds ang lahat ng mga opisyal na nag-authorize at nakipagsabwatan sa proyektong ito.
Kabilang sa mga kasong ihahain laban sa SYMS Construction Trading, ang kumpanya na responsable sa proyekto, ang mga kaso sa ilalim ng Revised Penal Code at RA 3019.
Hinikayat din ng Pangulo ang mga mamamayan na magpatuloy sa pagpapadala ng kanilang mga sumbong sa sumbongsapangulo.ph, at ipagpatuloy ang laban laban sa katiwalian.

 
         
         
        