Isang fish vendor ang patay matapos araruhin ng bus ang minamaneho nitong bangkulong at dalawang motorsiklo sa Maharlika Highway sa San Pablo City, Laguna bandang alas-5:50 ng umaga noong Agosto 21.
Ayon sa mga patrollers na sina PSSG Fernandez at Pat Patrocinio, ang mga drayber ng mga sasakyan ay binabagtas ang Maharlika Highway nang sunod-sunod silang araruhin ng isang bus.
Sa lakas ng impak, nahulog at nakaladkad ng bus ang driver ng bangkulong na si Jessie, residente ng Talisay, Batangas.
Ayon sa mga saksi at imbestigasyon ng pulisya, ang likurang bahagi ng bangkulong ay nabangga ng harapang bahagi ng bus, kaya’t tumama ang bangkulong sa likurang bahagi ng motorsiklo na minamaneho ni Efren. Ang drayber ng bangkulong ay nahulog at nahatak ng dumating na bus.
Dinala pa si Jessie sa San Pablo District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival matapos magtamo ng matinding sugat sa ulo.
Ang driver ng isa pang motorsiklo na minamaneho ni Sean, 24-anyos ay kasalukuyang nasa ilalim ng obserbasyon ayon sa doktor.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya ukol sa insidente. | BChannel NEWS

 
         
         
        