Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng isang opisyal ng LTO sa Zamboanga Peninsula matapos magdulot ng aksidente sa kalsada dulot ng reckless driving.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang LTO official na nakatalaga sa Human Resources and Management Office ng LTO Regional Office 9 ay inatasang isurrender ang kanyang lisensya kay LTO Regional Director, Ret. Police General Roderick Minong.
“Proof ito na hindi namin tinatanggap o pinapalampas ang anumang paglabag sa mga traffic regulations mula sa aming hanay,” ani Asec. Mendoza.
Ini-issue na rin ang show cause order kay LTO official alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing ligtas ang kalsada para sa lahat ng motorista.
Ayon sa imbestigasyon, ang opisyal ay nagmamaneho ng pick-up mula Pagadian City patungong Zamboanga City nang bigla itong magpatulin, dahilan para mawalan ng kontrol at mahulog sa ilog.
Viral ang video ng insidente, ngunit hindi pa tiyak kung ang driver ay lasing sa oras ng pangyayari.
Nahaharap ang LTO official sa kasong reckless driving at posibleng pag-revoke ng lisensya, at depende sa resulta ng imbestigasyon, maaaring humarap din siya sa mga administratibong kaso.