
Patuloy na kinikilala ng lokal na pamahalaan ng City of Sto. Tomas, Batangas ang First Philippine Industrial Park o FPIP, bilang isa sa pinakamalaking dahilan ng patuloy na pag-angat ng ekonomiya ng lungsod.
Sa ikatlong State of City Address (SOCA) ni City of Sto. Tomas, Batangas Mayor Atty. Arth Jhun Aguilar “AJAM” Marasigan noong August 18, 2025 sinabi nito na mahalaga ang papel ng FPIP sa pagpapasigla ng lokal na ekonomiya, pagpasok ng mga namumuhunan, paglikha ng trabaho, at pagtulong para mas gumanda ang kalidad ng buhay ng mga Tomasino.
Ayon kay Mayor Marasigan, malaki ang naitulong ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor sa tagumpay ng lungsod. Kabilang dito ang FPIP at ang mga locators nito na sumusuporta sa 12-point agenda ng lokal na pamahalaan.
Noong nakaraang taon, umabot sa mahigit P7.23 bilyon ang capital investment na pumasok sa lungsod, kung saan higit P6.5 bilyon ay mula sa Dyson Electronics PTE. LTD Philippines — isang bagong kumpanya sa FPIP na nagpapatibay sa posisyon ng City of Sto. Tomas bilang top destination para sa high-value manufacturing.
Dahil dito, tumaas din ang buwis na kinokolekta ng lungsod na umabot sa 336 milyon pesos, mas mataas ng 8.7% kumpara noong 2023. Dalawa sa pinakamalalaking nagbabayad ng buwis ay mula rin sa FPIP — ang Amcor Flexibles Philippines at Shoketsu SMC Corporation.
Sa usapin ng trabaho, halos 60% ng 12,500 job opportunities sa lungsod ay nagmumula sa mga kumpanya sa loob ng FPIP. Sakop nito ang electronics, automotive, packaging, food and beverage, pharmaceutical at iba pa.
Hindi lang ekonomiya ang tinututukan ng FPIP, kundi pati problema sa trapiko. Nakipagtulungan sila sa lokal na pamahalaan upang magpadala ng technical consultant para pag-aralan ang daloy ng trapiko mula Calamba hanggang SM City Sto. Tomas.
Bunga nito, ginagawa na ngayon ang mas epektibong traffic management plan. Bukod dito, nagsagawa rin ang FPIP ng training program para sa 75 traffic enforcers na nakatuon sa tamang pagpapatupad ng batas trapiko at road safety.
Dagdag pa ni Mayor Marasigan, ang tuloy-tuloy na partnership ng FPIP at ng lokal na pamahalaan ay mahalaga para sa mas maunlad at mas organisadong lungsod.
Itinatag noong 1996, ang FPIP ay isang joint venture ng First Philippine Holdings at Sumitomo Corporation. Sa kasalukuyan, ito ay tahanan ng mahigit 150 global companies at halos 80,000 empleyado sa loob ng 600-ektaryang PEZA-registered ecozone sa Batangas. | BChannel News