Pinabulaanan ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang mga kumakalat na ulat na may namatay sa anti-corruption protest sa Maynila nitong Linggo, Setyembre 21.
Giit ng kalihim, walang nasawi at walang raliyistang malubhang nasaktan, bagkus mas marami pang pulis ang nagtamo ng sugat.
Ayon sa DILG, umabot sa 216 ang inaresto kabilang ang 89 na menor de edad.
Sa bilang na ito, 65 ay children in conflict with the law, habang 24 naman ay edad 14 pababa.
Mahigit 95 pulis ang sugatan matapos pagbabatuhin ng Molotov cocktail ang kanilang hanay.
Nilinaw rin ni Remulla na walang armas ang mga pulis at itinulak lang nila pabalik ang mga nagprotesta.
Samantala, sa hiwalay na ulat, kinumpirma ng Department of Health na isang lalaki ang nasaksak at nasawi sa gitna ng kaguluhan.