Sa harap ng pinsalang iniwan ng magnitude 6.9 na lindol sa Cebu, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lahat ng biktima na nasugatan o kailangang maospital ay sakop ng zero balance billing.
Ayon sa Pangulo, “Applicable ito sa lahat — kung sino ang nagka-injury o nagkasakit at kailangang pumasok sa ospital, kasama sa zero balance billing.”
Nakapagtala ang mga ospital sa Cebu ng pagdami ng pasyente matapos ang lindol noong Setyembre 30. Sa kasalukuyan, tinatayang 65,000 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Kasabay nito, tiniyak din ng Pangulo na walang limitasyon sa pamamahagi ng family food packs. Hindi na kailangan ng ticket o bilang—anumang kailangan ng mga residente, maibibigay.
Nag-deploy naman ang MMDA ng 20 water purification units, habang siniguro ng DSWD na may sapat na food packs para sa lahat ng apektado.
Personal na bumisita ang Pangulo sa Bogo City, isa sa pinakamalubhang tinamaan.
Ininspeksyon niya ang bumagsak na pabahay sa SM Cares Village, ang nasirang simbahan sa Barangay Bungtod, at ang paaralan sa Barangay Cogon. Dumaan din siya sa Cebu Provincial Hospital kung saan tinulungan ang mga pasyenteng ginagamot sa makeshift wards. | BChannel news