Inaprubahan na ng House of Representatives ang ₱6.793 trilyong national budget para sa 2026, sa botong 287 pabor at 12 tutol.
Isa sa mga bumoto ng “No” ay si Batangas 1st District Representative Leandro Legarda Leviste.
Ayon kay Leviste, hindi niya kayang sang-ayunan ang budget habang patuloy umano ang “kickback system” sa Department of Public Works and Highways o DPWH. Binanggit pa niya ang pahayag ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na halos lahat ng bidding sa ahensya ay “luto.”
Paliwanag ni Leviste, dapat ibaba ng 25% ang presyo ng mga proyekto sa DPWH upang matanggal ang tinatayang ₱150 bilyong kickback. Dagdag pa niya, kahit hindi kumuha ng kickback ang mga kongresista, posibleng nakukuha pa rin ito ng ilang opisyal ng DPWH.
Bilang patunay, naghain si Leviste ng liham sa House Committee on Appropriations para ibaba ng 30% ang presyo ng mga proyekto sa kanyang distrito at i-realign ang ₱508 milyong matitipid para ipagawa ang mahigit 200 classrooms.
Aniya, hindi siya tumatanggap ng kickback, kaya gusto nito ipakita na kaya namang magpatayo ng proyekto sa mas murang halaga basta’t walang kurapsyon.
Dagdag pa ni Leviste, isa pang dahilan ng kanyang pagtutol ay ang hindi patas na hatian ng budget.
Giit niya, kahit bumubuo ng 15% ng populasyon at GDP ang Region 4A, 10% lang ng DPWH budget ang napupunta rito.
Sa ngayon, ipapasa na sa Senado ang 2026 General Appropriations Bill, at inaasahang maisasabatas ito bago matapos ang taon. | BChannel news