Sinimulan na ng Black Eyed Peas member na si Apl.De.Ap ang kanyang makakalikasang proyekto na magtanim ng 100 milyong puno ng niyog, nitong Martes sa bayan ng Liliw, Laguna.
Ang Laguna ang napiling pilot site ng proyekto, ngunit kasalukuyan na ring nakikipagtulungan si Apl sa pamahalaan para mapalawak ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa simula sa susunod na taon, katuwang ang mga kooperatiba, LGU, at mga magsasaka.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang Pamahalaang Bayan ng Liliw, sa pangunguna ni Mayor Ildefonso “Ide” Monleon, Vice Mayor Nhon Montesines, at buong Sangguniang Bayan, sa pagpili ni Apl.De.Ap sa kanilang bayan bilang bahagi ng adbokasiya para sa kalikasan, turismo, at kapakanan ng mga magsasaka.
Ayon sa Philippine Coconut Authority, nasa tamang landas ang 100 Million Coconut Trees Project na inaasahang magbibigay ng kabuhayan sa mahigit 2.8 milyong magsasaka, pati na sa 20 milyong Pilipino.
Malaki rin ang maitutulong nito sa paglaban sa climate change at sa pagpapasigla ng industriya ng niyog sa bansa.
Ayon kay Apl.De.Ap, nakuha niya ang ideya ng proyekto nang makausap niya ang isang eksperto tungkol sa masamang epekto ng soil degradation o pagkapangit ng kalidad ng lupa.
Dito niya nadiskubre ang biochar, isang organikong pataba na gawa mula sa niyog na nakatutulong mapabuti ang lupa.
Layunin din ng proyekto na maipakilala sa buong mundo ang mga produktong galing sa mga magsasakang Pilipino. | BChannel news