Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan na palutang-lutang sa dagat ng Barangay Bucana, Nasugbu, Batangas bandang alas-7 ng umaga, Oktubre 14, 2025.
Ayon sa Nasugbu Municipal Police Station, isang residente na nangingisda sa lugar ang unang nakakita sa katawan ng lalaki na nakadapa at wala nang buhay.
Mabilis itong nag-ulat sa mga awtoridad kaya agad rumesponde ang Philippine Coast Guard – Nasugbu Substation upang i-recover ang bangkay at dalhin sa dalampasigan.
Ang biktima ay nakasuot ng gray na long-sleeve shirt at itim na shorts.
Napansin din ng mga otoridad na may nakasabit na backpack sa katawan nito na naglalaman ng puting t-shirt na may tatak na “Always Keep Positive,” isang tuwalya, isang dumbbell na tinatayang may bigat na anim na kilo, at isang cellphone.
Sa inisyal na imbestigasyon, wala namang nakitang sugat, tama ng bala, o palatandaan ng karahasan sa katawan ng biktima. Sa ngayon, patuloy na inaalam ng Nasugbu Police ang pagkakakilanlan ng lalaki at ang posibleng dahilan ng pagkamatay nito.
Dinala na ang labi ng biktima sa Funeral Homes sa Barangay Lumbangan para sa karagdagang pagsusuri, habang ang Scene of the Crime Operatives o SOCO ay magsasagawa ng autopsy upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay. | BChannel news