Naglatag si Finance Secretary Ralph Recto sa Senado ng layunin ng pamahalaan na makalikom ng mas mataas na kita at mapaliit ang fiscal deficit sa ilalim ng proposed ₱6.79-trillion national budget para sa 2026, na nakabatay sa fiscal discipline at digital reforms.
Ayon kay Recto, walang bagong buwis na ipapataw ngunit inaasahan ang 10.2% pagtaas sa koleksyon ng kita sa pamamagitan ng mas mahusay na pangongolekta, matalinong paggastos, at mas kaunting pangungutang.
Sa nasabing budget, ₱4.98 trilyon lamang ang manggagaling sa kita, kaya kailangang makalikom ng ₱13.65 bilyon kada araw para tustusan ang mga programa ng gobyerno.
Upang maabot ito, paiigtingin ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs ang digitalization para mapabuti ang compliance at masugpo ang katiwalian. Itataas din ng DOF ang dividend rate ng GOCCs mula 50% tungo sa 75% at ipagpapatuloy ang privatization ng mga underutilized assets.
Giit ni Recto, ang bawat pisong buwis ng mamamayan ay dapat mapunta sa tamang proyekto, tamang presyo, at tamang oras.
Sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework, inaasahang aabot sa ₱6 trilyon ang kabuuang kita sa 2028 at ₱7 trilyon sa 2030, habang bababa sa 3% ang deficit at mananatiling 58% ang debt-to-GDP ratio pagsapit ng dekada.
Dahil dito, tumaas ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan, na nagbunga ng credit rating upgrade para sa bansa.
Sa ilalim ng administrasyong Marcos, nananatiling matatag ang ekonomiya sa 5.9% average growth rate, mababang inflation, at mataas na employment na umabot sa 50.1 milyon noong Agosto 2025.
Dagdag pa ni Recto, nananatiling malinis ang pamamahala ng DOF matapos makatanggap ng unmodified opinion mula sa COA sa loob ng apat na taon, at tiniyak ng Pangulo na hindi palalampasin ang anumang katiwalian.