Nilinaw ni Department of Health Secretary Teodoro Herbosa na walang outbreak ng influenza-like illnesses o ILI sa bansa.
Ayon kay Herbosa, normal lang ang pagtaas ng kaso tuwing “-ber months” dahil ito ang karaniwang flu season.
Sinabi niya na hindi pa umaabot sa threshold para ideklarang outbreak at pinayuhan ang publiko na huwag mabahala sa mga ulat ng pagdami ng estudyanteng nagkakasakit ng flu-like symptoms.
Ipinaliwanag din ni Herbosa na ang ILI ay mga sakit na may sintomas ng ubo, sipon, lagnat, sore throat, at body pains na dulot ng iba’t ibang virus, at hindi katulad ng COVID-19 na dulot ng isang virus lang.
Kaugnay nito, tiniyak ng kalihim na kontrolado ng DOH ang sitwasyon at pinaalalahanan ang lahat na ipagpatuloy ang mga health habits tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng mask kapag may sintomas, at pag-iwas sa matataong lugar.
Dagdag pa niya, ang pansamantalang suspensyon ng klase ng DepEd-NCR ay makatutulong para makaiwas sa pagkalat ng flu, ngunit mas mabuting ito ay napag-uusapan at naka-coordinate sa DOH.