Sa harap ng libo-libong Batangueño na dumagsa sa Batangas Province Events Center sa Batangas City, inilahad ni Governor Vilma Santos-Recto ang mga unang nagawa ng kanyang administrasyon sa programang “The First 100 Days: Gov. Vi Special Report” na sabay ding tinutukan ng marami sa social media live coverage.

Sa ilalim ng temang “Matatag na Batangas: Ang Bagong Simula,” ipinakita ni Gov. Vi ang mga konkretong hakbang at programa sa unang tatlong buwan ng kanyang panunungkulan bilang muling halal na ina ng lalawigan.
Matatandaang nanumpa si Gov. Vi noong Hunyo 30, 2025, na ihahatid ang tapat na pamamahala, inobasyon, at mabilis na aksyon para sa mga Batangueño.

Sa kanyang ulat, iginiit niya ang laban kontra korapsyon at ang paninindigang, “Ang para sa tao, dapat mapunta sa tao.”
Isa sa mga pangunahing proyekto ang “Capitol on Wheels,” kung saan mismong pamahalaang panlalawigan ang lalapit sa mga mamamayan upang maghatid ng serbisyo direkta sa mga bayan—isang hakbang na layong alisin ang hadlang ng distansya at gastusin sa pakikipag-ugnayan sa Kapitolyo.

Sa loob ng unang linggo ng panunungkulan, apat na Executive Orders ang agad nilagdaan ng gobernadora:
Una, ang EO No. 1 – Matatag na Kalusugan, na nag-utos ng rehabilitasyon at modernisasyon ng 13 ospital sa lalawigan. Tampok dito ang pagtatatag ng Batangas Provincial Medical Center sa Tuy, pagdaragdag ng mga doktor at nurse, pagkakaroon ng 100 dialysis machines para sa libreng gamutan, at pagkumpleto ng mga gamot at pasilidad para sa mahihirap na komunidad.

Ikalawa, ang EO No. 2 – Task Force: Matatag na Iskolar at Edukasyon. Pinabago ang sistema ng scholarship upang maging patas at batay sa pangangailangan, kalakip ang 1.1 bilyong pisong pondo para sa pagpapatayo ng 17 school buildings, rehabilitasyon ng 844 silid-aralan, at pamamahagi ng laptops, smart TVs, at Braille equipment para sa mga estudyante.
Ikatlo, ang EO No. 3 – Task Force: Matatag at Ligtas na Batangas, na tumutok sa disaster preparedness, mas mabilis na evacuation at response system, at pagpapalakas sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

At ikaapat, ang EO No. 4 – Task Force: Matatag na Pagbabantay, na nakatuon sa seguridad, crime prevention, at intelligence-based policing upang mapanatili ang kapayapaan sa buong lalawigan.
Muling binuhay din ni Gov. Vi ang kanyang kilalang HEARTS Program — Health, Education, Agriculture, Roads, Tourism, and Social Services — bilang gabay ng kanyang mga proyekto at patakaran.
Binigyang-diin ng gobernadora na ang unang 100 araw ay simula pa lamang ng mas malawak na plano para sa Batangas.
Tinatayang sampung porsyento pa lamang ng kabuuang proyekto ang naipatupad, at tiniyak niyang sa natitirang panahon ng kanyang termino ay maipagpapatuloy ang natitirang siyamnapung porsyento tungo sa isang Matatag, Maunlad, at Makabagong Batangas.

Kasabay nito, inanunsyo ni Gov. Vi ang mga susunod na inisyatibo gaya ng Matatag na Batangas Award—isang lokal na bersyon ng Seal of Good Local Governance, at ang pagbabalik ng Ala Eh! Festival para pasiglahin ang kultura, turismo, at pagkakakilanlan ng mga Batangueño.
Samantala, sinamahan si Gov. Vi ng kanyang mga anak na sina Cong. Ryan Recto at Luis Manzano gayundin si Jessy Mendiola.
Sa pagtatapos ng kanyang ulat, buong puso niyang sinabi:
“Ang pagbabalik na ito ay hindi lang pagbabalik sa puwesto, kundi pagbabalik ng isang pamahalaang tunay na para sa tao—subok na, may puso, at may malinaw na direksyon tungo sa isang Matatag, Maunlad, at Makabagong Batangas.” | JMP – BChannel news