Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Purok 3, Sampaguita Street, Barangay Muntingpulo, Lipa City, pasado alas-5:30 ng hapon nitong Oktubre 14, 2025.
Batay sa imbestigasyon ng Lipa City Police Station, nakaupo umano ang biktimang si Roger, 52 anyos, isang electrician at residente ng nasabing barangay, sa tindahan ng kanyang kaibigan nang biglang lapitan ng suspek at paulit-ulit na barilin gamit ang maikling baril.
Tinamaan si Roger sa dibdib na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Agad namang tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo patungong Barangay San Isidro, Lipa City.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis at inaalam na rin ang motibo sa krimen.
Isinagawa na ang dragnet operation, paghahanap ng mga saksi, pagsusuri ng CCTV footage, at humiling na rin ng tulong mula sa Batangas Provincial Forensic Unit upang matukoy ang salarin at mahuli ito sa lalong madaling panahon. | BChannel news