Nagbabala si Finance Secretary Ralph Recto sa mga mambabatas laban sa panukalang bawasan ang value-added tax o VAT mula 12 porsyento tungong 10 porsyento.
Ayon kay Recto, posibleng magdulot ito ng malaking bawas sa kita ng gobyerno at mapilitan silang mangutang kahit para sa regular na gastusin.
Sa pagdinig ng Senado para sa panukalang 2026 budget ng Department of Finance, sinabi ni Recto na bagama’t nasa Kongreso ang kapangyarihang amyendahan ang VAT law, dapat isaalang-alang ang posibleng epekto nito sa fiscal stability at credit rating ng bansa.
Ang mga panukalang batas na naglalayong ibaba ang VAT ay layong maibsan ang pasanin ng mamimili sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Gayunman, iginiit ng mga economic manager na maaari itong magpalaki sa deficit at makasira sa tiwala ng mga investor kung walang kapalit na mapagkukunan ng kita.
Dagdag ni Recto, prayoridad ng pamahalaan na palakasin ang tax administration at koleksyon nang hindi kinakailangang magpataw o magbawas ng buwis.
Matatandaang, inihain ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste ang House Bill 4302 na naglalayong ibaba ang VAT sa 10%. Tantiya niyang maaaring bumaba ang koleksyon ng humigit-kumulang P200 bilyon, pero aniya, ito ay makabubuti sa mga mamimili na makakatipid ng halos P7,000 kada pamilya kada taon. | BChannel news