Humarap si Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure o ICI upang linawin ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Romualdez, nagpapasalamat siya sa pagkakataong maibahagi ang kanyang panig at personal na kaalaman sa proseso ng budget. Giit niya, mahalagang lumabas ang katotohanan batay sa ebidensya at hindi lang sa mga haka-haka o ingay sa pulitika.
Handa rin umano siyang muling humarap sa komisyon kung kinakailangan at bukas siyang isumite ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth kung hihilingin ng ICI.
Itinanggi rin ng kongresista na kabilang sa kanyang security detail si Orly Guteza, na dati umanong naghatid ng mga “basura” o kickbacks ayon sa naunang testimonya sa Senado.
Dagdag pa ni Romualdez, hindi siya kabilang sa 2025 budget bicameral conference committee ngunit handa siyang makipagtulungan upang mapabilis ang imbestigasyon at maipakita ang katotohanan.