Inanunsyo ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na nakatakdang pumasok sa Pilipinas ang USD33-million o halos P1.9 billion loan agreement sa Hungary para sa pagtatayo ng mga water treatment at desalination facilities.
Layunin ng proyekto na mapabuti ang access ng mga Pilipino sa malinis na tubig at palakasin ang climate resilience ng bansa, lalo na sa mga coastal at rural communities na kulang sa freshwater supply.
Ayon kay Zubiri, na siya ring presidente ng Philippines–Hungary Parliamentary Friendship Group, malaking tulong ang karanasan ng Hungary sa water management para sa mga lugar na hirap sa malinis na tubig.
Kasunod ito ng courtesy call ni Hungarian National Assembly Speaker László Kövér kay Senate President Vicente Sotto III, kung saan parehong ipinahayag ng dalawang panig ang kanilang hangaring palalimin ang kooperasyon ng Pilipinas at Hungary.
Sinabi ni Kövér na malapit nang mapirmahan ang kasunduan, at gagamitin ang pondo para sa water treatment, cleaning, at desalination projects sa bansa.
Samantala, welcome naman ni Senate President Sotto ang naturang proyekto, lalo’t aniya, “abundant tayo sa saltwater, kaya malaking tulong ang desalination plants.”
Dagdag pa ni Zubiri, ang hakbang na ito ay patunay ng tunay na pagkakaibigan ng Hungary at Pilipinas, na patuloy na nagbibigay suporta sa mga proyektong makakatulong sa sustainability at economic development.