Isang lalaki ang binaril sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek sa isang motorcycle repair shop sa Brgy. Tangob, Padre Garcia, Batangas.
Ayon sa imbestigasyon ng Padre Garcia Municipal Police Station, bandang ala-1:17 ng hapon, Oktubre 15, nakatanggap ng tawag si PSSg Cuenca mula kay Barangay Captain Rico Cabral na nag-ulat ng pamamaril sa lugar.
Kinilala ang biktima na Randy, na noon ay nasa Repair Shop nang dumating ang isang lalaking naka-itim na jacket, pantalon, at helmet. Walang sabi-sabi, binaril ng suspek ang biktima sa ulo gamit ang di pa natutukoy na kalibre ng baril.
Agad namang tumakas ang suspek sakay ng puting motorsiklo papuntang Brgy. Poblacion.
Dinala ang biktima sa pagamutan sa Lipa City para sa agarang lunas at patuloy na inoobserbahan. Sa lugar ng krimen, narekober ng pulisya ang isang basyo at isang bala ng kalibreng 9mm.
Patuloy ang isinasagawang hot pursuit at follow-up operations ng mga otoridad upang matukoy at maaresto ang suspek. | BChannel news