
Nanawagan si Senador Bam Aquino sa Department of Health na palakasin at linawin sa publiko ang pagpapatupad ng Zero Balance Billing o ZBB ng PhilHealth — isang programang layong matiyak na walang babayaran ang mga pasyenteng naka-confine sa mga pampublikong ospital.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance ukol sa budget ng DOH, hiniling ni Aquino kay Health Secretary Teodoro Herbosa na agad ilathala ang listahan ng mga ospital na may ZBB coverage, at gumawa ng malinaw na gabay para alam ng publiko kung paano ito ma-aavail.
Ayon kay Aquino, marami pa ring Pilipino ang hindi alam na may ganitong benepisyo. Dahil dito, napipilitan pa silang pumila sa mga opisina ng mga mambabatas para humingi ng tulong pinansyal.

Giit ng senador, “Palipat-lipat po yung pasyente. Kawawa po talaga. Pangalawa, yung kawawa rin po ay pipila talaga sa mga opisina namin. And if there’s a mother fund that we can draw upon to support our countrymen, popondohan po namin ’yan, lalakihan po namin ’yan. But it shouldn’t be that healthcare will only be received kung meron kang kilala. Yun ho yung ayaw namin. Ayaw ko na makakakuha ka lang ng healthcare dahil may kilala. Dapat dahil Pilipino ka, makakakuha ka ng tulong.”
Iminungkahi rin ni Aquino na dapat ipaalam agad ng ospital sa mga pasyente ang mga opsyon sa simula pa lang ng admission para maiwasan ang biglaang pagtaas ng hospital bill.
Dagdag pa niya, kulang din umano ang kasalukuyang benepisyo ng PhilHealth — tulad ng P27,000 o P34,000 na limitasyon — kaya dapat mas malaking porsyento ng bill ang sagutin ng ahensya.

Bilang solusyon, iminungkahi ni Aquino ang pagbuo ng real-time online tracker na magpapakita ng bed availability ng mga ospital na sakop ng Zero Balance Billing. Makakatulong ito hindi lang sa mga pasyente, kundi pati sa mga mambabatas sa pag-alam kung saan kailangan dagdagan ang pondo.
Nagpahayag naman ng suporta si Health Secretary Herbosa sa mga suhestiyon ng senador, kasabay ng pangakong mas paiigtingin pa ng DOH at PhilHealth ang pagpapatupad ng Universal Health Care program. | BChannel news