Isang lalaki ang patay habang isa pa ang sugatan matapos ang madugong pananaksak sa Magano Street, Barangay Maytalang 1, Lumban, Laguna bandang alas–11:30 ng gabi, October 16, 2025.
Naiulat ang insidente sa pulisya dakong ala–1:30 ng madaling-araw, October 17.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Lumban Municipal Police Station, nag-ugat umano ang krimen sa matagal nang alitan ng suspek at biktima. Kuwento ng dating kinakasama ng nasawing biktima, matagal nang may galit ang suspek dahil sa dating personal na hidwaan nila.
Base naman sa pahayag ng isa pang testigo, nakita umano niyang lasing ang suspek at palakad-lakad sa lugar. Ilang sandali lang, napadaan umano ang dalawang biktima pauwi nang bigla na lang lapitan ng suspek at saksakin ang unang biktima. Nang tangkain ng pangalawang biktima na awatin, siya rin ay sinaksak ng suspek bago ito tumakas, dala ang ginamit na patalim.
Agad na isinugod ang mga biktima sa Hospital sa bayan ng Pagsanjan, pero idineklara nang dead on arrival ang unang biktima. Dinala naman sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz ang pangalawang biktima para sa karagdagang gamutan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Lumban Police para sa agarang pagkakadakip ng tumakas na suspek. | BChannel news