Mahigit 60 South Korean nationals ang ibinalik sa kanilang bansa mula Cambodia matapos maaresto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa malawakang cyberscam operations.
Ayon sa ulat ng South Korean police, 64 katao ang dumating sa Incheon International Airport sakay ng isang chartered flight na ipinadala ng pamahalaan upang sunduin sila mula Cambodia. Paglapag pa lang ng eroplano, agad silang inaresto bilang mga kriminal na suspek.
Isang team mula South Korea ang ipinadala sa Cambodia para imbestigahan ang kaso, dahil ilan sa mga ito ay sapilitang nadawit sa online scam industry ng bansa.
Ayon kay South Korean National Security Adviser Wi Sung-lac, may mga kusang sumali at may mga biktimang pinilit lang makilahok sa mga scam operations.
Kinumpirma naman ng Cambodian Ministry of Interior na ang repatriation ay resulta ng mabuting ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa laban sa online fraud.
Simula pa noong pandemya, dumami ang mga online scam hubs sa Cambodia, Laos, Myanmar, at maging sa Pilipinas, kung saan libo-libong manggagawa ang ginagamit sa mga “pig-butchering” o online romance scams na nag-aalok ng pekeng cryptocurrency investments.
Tinatayang nasa 200,000 katao ang kasangkot sa mga ganitong operasyon sa Cambodia, kabilang ang humigit-kumulang 1,000 South Koreans.
Kaugnay nito, nagpatupad din ng travel ban ang South Korea sa ilang bahagi ng Cambodia matapos mabalita ang pagkamatay ng isang South Korean college student na umano’y biktima rin ng sindikatong scam.